A. Panukalang Pahayag
Nilalayon ng Pagpepenitensya na sariwain ang pagpapakasakit ng ating Panginoong Diyos upang matulungan ang mananampalataya na mas higit na maunawaan ang pangyayari at aspeto ng paghihirap ng ating Panginoong Diyos para sa atin.
B. Introduksyon
Marami sa mga Pilipino ay mayroong mga paniniwala at ritwal na gawain sa tuwing sasapit ang Mahal na Araw. Kaya nais ng mga mananaliksik na alamin at suriin ang mga Pilipino na nagpapapenitensya sa San Pedro, Cutud, San Fernando, Pampanga. Ginagaya ng mga Pilipino na nagpepenitensya ang mga nangyari sa ating Panginoong Diyos noon. Nais alamin ng mga mananaliksik ang kasagutan sa katanungan na, bakit nga ba nagpapapenitensya ang mga kababayan nating mga Pilipino? Ito ba ay pasasalamat sa ating Panginoong Diyos o paraan lamang para kumita ng pera?
C. Rebyu / Pag-aaral
Ayon sa pag-aaral at obserbasyon ng mga mananaliksik ang nasabing panahon ng Mahal na Araw ay tumutugon sa araw kung kailan nagsakripisyo ang ating Panginoong Diyos sa kasalanan na nagawa ng sangkatauhan. Sa bunga ng pagmamahal Niya sa mga tao, inialay Niya ang kanyang sarili na nakaapekto sa mga taong nais humingi ng kapatawaran sa Kanya.
D. Layunin
Ang pag-aaral na ito ay naglalayon na mabigyan ng katugunan ang ilang interes at mga katanungan.
Personal na Interes:
1. Mapalawak ang kaalaman ng mga mananaliksik tungkol sa mga panata at ang mga pagsasakripisyo.
2. Malaman kung totoo nga bang natutupad ang mga kahilingan ng mga nagpepenitensya.
3. Malaman mula sa mga nagpepenitensya kung ano ang pakiramdam nila matapos ang kanilang pagsasagawa ng pagsasakripisyo.
4. Malaman ang mga kabiguan at tagumpay ng kanilang panata.
5. Mabatid kung papaano nakaaapekto ang kanilang ginagawang pagsasakripisyo sa kanilang paniniwala.
Sosyal na Interes:
1. Maibahagi at mapalawak ang mga nakalap na datos ng mga mananaliksik ukol sa pagpepenitensya at sa mga paraan ng kanilang pagpapakita ng pananampalataya.2. Malaman at maunawaan ang mga kadahilanan nila sa kanilang panata.
E. Halaga
Ang Pilipinas ay isang bansang relihiyoso, na naniniwala sa iba't ibang mga kaugalian gaya ng pagpepenitensya. Napakaraming paniniwala ng mga Pilipino na pinaniniwalaan nilang makapagbibigay sa kanila ng pag-asa sa kanilang buhay na tila puno ng mga suliranin.
Ang halaga ng pananaliksik na ito ay maipakita sa mambabasa kung gaano kahalaga ang paniniwala natin at pag-aalay ng ating sarili sa ating Panginoong Diyos. Ang pananaliksik na ito ay makatutulong at makapagbibigay babala sa mga susunod pang nais sundan ang kanilang ginagawa at para sa mga taong hindi naniniwala sa ganitong kaugalian, upang ito ay kanilang maunawaan.
F. Konseptwal na Balangkas

Ang ating Panginoong Diyos ay nagpapako sa krus dahil sa ating mga kasalanan. Siya ay nagsakripisyo para sa atin. Ang ibang mga tao ay nagpapapenitensya para maghugas ng mga kasalanan. Upang humingi ng tawad sa Kanya at para maranasan ang sakit na naranasan Niya noon.
G. Metodolohiya
Ang mga mananaliksik ay nagtungo sa San Pedro, Cutud, San Fernando, Pampanga, kung saan may mga Pilipinong nagpepenitensya tuwing Biyernes Santo ng Mahal na Araw. Nais ng mga mananaliksik na makapanayam ang mga taong nakadanas na nito upang makakuha ng sapat na impormasyon base sa kanilang naging karanasan. Isang tao lamang ang nakapanayam ng mga mananaliksik dahil sa kadahilanang siya lamang ang natagpuan ng mga mananaliksik noong Enero ika-28 ng taong 2009.
H. Saklaw / Delimitasyon
Ang mga mananaliksik ay nagtungo sa San Pedro, Cutud, San Fernando, Pampanga kung saan dito ginagawa ang pagpapapako sa krus na siyang sentro ng pangyayari tuwing Mahal na Araw. Ito ay piniling puntahan ng mga mananaliksik dahil isa ito sa dinudumog ng maraming tao tuwing Biyernes Santo ng Mahal na Araw upang masaksihan ang mga taong nagpapapako sa krus. At dahil sa kadahilanang ang isa sa mga mananaliksik ay kasalukuyang nakatira sa Pampanga.
I. Daloy ng Pag-aaral
Ang unang kabanta ay ang panimula ng napiling paksa na “ Ang Pagpepenitensya”. Nakalagay dito ang nais patunayan ng mga mananalikisik.
Ang ikalawang kabanata ay ang Pagrerebyu o Pag-aaral. Nakalagay dito ang puwang na iniwan ng mga naunang pag-aaral.
Ang ikatlong kabanata ay ang metodolohiya o pamamaraan ng pananaliksik, ang mga mananaliksik ay nag-interbyu o nakipanayam.
Ang ikaapat na kabanata ay ang reaksyon, kongklusyon at rekomendasyon.
At ang huling kabanata ay naglalaman ng mga larawan na kinunan habang isinasagawa ito ng mga mananaliksik.
II. Ikalawang Bahagi
A. Pangyayari sa isang lugar sa Pampanga
Ang penitensya ay isang gawain tuwing Biyernes Santo ng Mahal na Araw, ito ay pagsasagawa ng mga nangyari sa ating Panginoong Diyos noong tayo’y iniligtas niya sa ating mga kasalanan.
Ang mga mananaliksik ay nagtungo sa San Pedro, Cutud, San Fernando, Pampanga kung saan dito ginagawa ang pagpapapako sa krus na siyang sentro ng pangyayari tuwing Mahal na Araw.
Ang mga datos ay nakalap mula sa taong nakapanayam ng mga mananaliksik na si G. Ruben at sa librong "Prusisyon" mula sa Filipiniana Seksyon sa Aklatan ng UST. Ayon kay G. Ruben, ang pagpepenitensya ay isang stage play lamang noon o ginagawa bilang pagsesenakulo lamang at ginawa itong makatotohanan ni Artenio Ariosa. Wala namang batas na nagbabawal sa ganitong gawain at sa katunayan probinsya ng Pangulong Arroyo ang Pampanga.
Ang San Pedro, Cutud, San Fernando, Pampanga ay isang lugar kung saan ginagawa ang pagpapako sa krus ng mga tao. Ang mga tao dito ay hindi naman halos mahirap mayroon ding mayayaman.
Ang hanapbuhay dito ay iba-iba tulad ng sari-sari store, pagtitinda ng mga kung anu-ano. Ang San Pedro, Cutud ay isa lamang ordinaryong baryo pero dahil nga sa mga taong nagpepenitensiya, ito'y naging kilala sa buong Pampanga. Kada taon ay dinarayo ito ng mga tao, lalo na ng mga dayuhan na nanggaling pa sa iba't ibang lugar para lang masaksihan kung paano ipako sa krus ang mga tao.
B. Tungkol sa Pagpepenitensya
Noong Enero 28, 2009 ng ala-sais ng umaga, ang mga mananaliksik ay nagpunta sa San Pedro, Cutud, San Fernando, Pampanga at doon nakilala at nagkaroon ng pagkakataong makapanayam ang isang taong nagpepenitensya sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus na si Ruben Eraje.
Si G. Ruben Eraje ay may edad na 48 taong gulang. Siya ay may apat na anak at tatlong apo.
Kasalukuyan niyang trabaho ay pagpipinta. Ang pagpepenitensya ay isang stage play lamang noon o ginagawa bilang pagsesenakulo lamang at ginawa itong makatotohanan ni G. Artenio Ariosa.
Ang pagpepenitensyang pagpako sa krus ay isang mabigat na gawain ayon kay G. Ruben, ginagamitan ito ng malalaking pako na may 3 inches ang haba, kwadrado ang dulo para sa kamay at bilog ang dulo para sa paa. May kasuotang puting damit at tapis na may korona na gawa sa halamang "makabuhay". 1.4 kilometro ang kanilang nilalakad tuwing Biyernes Santo ng Mahal na Araw at mahigit kumulang 2 oras ito. May 30 kilos ang bigat ng dala-dala nilang krus.
Ayon kay G. Ruben ang pagpepenitensya ay pasasalamat sa pagligtas sa atin ng ating Panginoong Diyos. At dahil sa pagpepenitensya binibigay ang kanyang kagustuhan at base sa kanyang karanasan noong siya’y nahulog sa ikatlong palapag ng isang gusali sa kanilang lugar at siya’y nabuhay pa rin. Ika nga isang “milagro”.Maraming tao ang nagsasabi na ang pagpepentensya ay delikado. Ayon pa rin kay G. Ruben, isang linggo bago humupay ang sakit sa kanyang katawan at mga natamong sugat sa paa at kamay. Ngunit wala daw itong epekto.
Ang mga taong nagpepenitensya ayon kay G. Ruben ay may edad na 19 taong gulang ang pinakabata at 60 taong gulang ang pinakamatanda. Sila’y dapat may mabigat at malalim na dahilan upang ito ay maisagawa ng maayos.
Ang iba sa mga nagpepenitensya ay nagpapabayad, kagaya ng mga kasuotan na ginagamit pagkatapos isagawa ang pagpepenitensya. Ito ay ipinagbibili sa mga dayuhan na may bakas o pahid ng dugo ng nagpenitensya.
Hindi ito illegal dahil kusa lamang binibili ng mga dayuhan ang mga kagamitan na ginagamit ng mga taong nagpenitensya. Ayon kay G. Ruben, ito ay ipinagbibili dahil ito’y nais gawing "remembrance" o "souvenir" ng mga dayuhan at ang presyo nito ay dipende sa mga dayuhan. Kung minsan ito ay umaabot sa mahigit isang libong piso.
May 22 taon nang nagpepenitensya si G. Ruben at sa darating na Biyernes Santo ng Mahal na Araw ng 2009 ay muli siyang magpapapako sa krus. Ayon sa kanya, hindi labag sa batas ng Pilipinas ang pagpepenitensya. Ngunit ayaw ito ng mga pari dahil ito ay labag sa Bibliya. Ngunit dahil may mabigat na dahilan si G. Ruben, siya ay magpapatuloy pa rin.Ayon sa kanya, walang magagawa ang mga nagbabawal nito dahil ito'y naging tradisyon na ng mga taong matagal ng nagpepenitensya o nagpapapako sa krus. At ang mensahe niya sa mga nais magpenitensya ay “Dapat may malalim na dahilan, at hindi dapat nagmamayabang lamang”.
III. Ikatlong Bahagi
A. Resulta ng PagsusuriAyon sa resulta ng pagsusuri ng mga mananaliksik gamit ang pamamaraan ng pakikipagpanayam sa napiling paksa, hindi madaling gawin ang nasabing “Pagpepenitensya”. Ang mga taong gumagawa nito ay binibigyan ng panahon upang makapag-isip, may malalim na pagkakaunawa at dahilan. Dapat bukal sa kanyang kalooban at may lakas ng loob na harapin ang kanyang tatahakin. Ito ay hindi ordinaryong pamamaraan ng pagsasakripisyo dahil ito ay nakakasakit sa pisikal na katawan.
B. Kongklusyon
Ayon sa nakalap na datos ng mga mananaliksik, tama na ang dahilan ng kanilang pagpepenitensya ay dahil sa pasasalamat sa mga biyaya na binigay ng ating Panginoong Diyos sa kanila. Bukal ito sa kanilang puso at isang gamot upang makapagbagong buhay.
At upang ipamahagi ang mga biyayang ibinigay ng ating Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal at pagsasakripisyo. Maraming paraan ng pasasalamat sa ating Panginoong Diyos, ngunit para sa kanila ito ang pinakamahalaga at mabisang paraan.
C. Rekomendasyon
Nais ng mga mananaliksik na magbigay ng impormasyon sa mga susunod pang manaliksik. Dapat magtala ng mga tanong na hindi pa natanong ng mga mananaliksik. Dahil ito’y naaayon sa buhay ng tao kung paano ito isinasagawa. Kailangan maging direkta ang mga bawat salita na manggagaling sa mga susunod na mananaliksik at maging sa pagtatanungan ng mga iba’t ibang impormasyon.
Mahirap ang naging karanasan ng mga mananaliksik sa pagsusuri sa paksa na pagpepenitensya dahil lahat ng impormasyong nakalap ay hindi konkreto.
Mahal na Araw – ito ang araw kung saan pinaniniwalaan nating mga Pilipino na mahalaga dahil sa araw na ito ay ipinagdiriwang ang pagsasakripisyo ng ating Panginoong Diyos sa pagligtas sa sangkatauhan sa mga nagawang kasalanan.